Babaeng 'ginahasa' ng 2 pulis sa police mobile, nakatanggap ng death threats

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 08:36 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Nanawagan ng dagdag proteskyon ang 22 anyos na si alyas "Maria" matapos niyang makatanggap ng mga banta sa buhay makalipas ireklamo ang 2 pulis ng panggagahasa sa kaniya. 

"Natatakot na po akong umuwi ng Novaliches dahil sa mga death threat po sa akin. Sa ngayon po hindi na po ako umuuwi sa dating inuupahan namin dahil po sa takot ko," ani Maria sa panayam niya sa DZMM. 

"Paki-usap ko lang po sana na huwag niyo akong bitawan at bigyan niyo po ako ng suporta. Sa ngayon po hindi pa rin po kami sigurado na talagang ligtas," dagdag ng biktima. 

Noong nakaraang linggo ay pumutok ang balita ng panggagahasa ng dalawang pulis matapos lumutang si Maria at magreklamo sa National Capital Region Police Office (NCRPO). 

Lunes ay naaresto sina Police Officer 1 (PO1) Severiano Montalban III at PO1 Jayson Portuguez, mga nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 4.

Kuwento ni Maria, inaresto siya kasama ang 5 iba pa sa Novaliches at dinala sila sa ospital para isailalim sa medical test. Inalok daw siya ng mga pulis kung gusto niyang "makipag-areglo" kapalit ng kaniyang kalayaan.

Sa loob ng police mobile ginahasa ni Montalban ang biktima. Sinundan naman ito ni Portuguez na nag-utos sa biktima na magsagawa sa kaniya ng oral sex.

SUPORTA

Nangako naman si NCRPO chief Director General Guillermo Eleazar na hindi lulubayan ang kaso ni Maria at pananagutin ang mga abusadong pulis sa kaniyang hanay.

"Makakaasa ka na tulad ng pag-uusap natin noon eh talagang hindi namin ito-tolerate ito...We are saving future victims sa ginawa mong iyan at makaaasa ka na magtutulungan tayo," ani Eleazar. 

Sinabi rin ni Eleazar na saludo siya sa katapangang ipinakita ni Maria. 

"Ako'y sumasaludo sa'yo at naglakas ka ng loob para tayuan 'yan. Kung wala ka, hindi namin malalaman o mako-correct itong ginawa ng kapulisan natin."

Nagbigay naman si Maria ng mensahe sa mga kapwa niya biktima na natatakot lumutang sa takot na gantihan ng mga abusadong pulis. 

"Patuloy pa rin po akong lalaban... Wag po silang matakot at pilitin po nilang lumaban. Huwag po silang matakot sa kapulisan na wala namang silbi sa bayan tulad ng dalawang iyan," aniya. 

Noong nakaraang buwan naman, isang pulis na nakatalaga sa Manila Police District ang inireklamo matapos umanong halayin ang isang 15 anyos na babae kapalit ng paglinis sa record ng kaniyang magulang na sangkot sa droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.