2 pre-need company, inireklamo dahil sa 'pumalpak' na serbisyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 07:32 PM | Updated as of Nov 11 2018 03:02 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Simple lang ang buhay ng pamilya Mamontayao sa Cateel, Davao Oriental pero nakaya nilang kumuha ng pension plan sa Provident Plans noong 2007 at nakumpleto ang hulog sa loob ng 5 taon.

Pero anim na taon matapos ma-fully paid, wala pa ring nake-claim na benipisyo ang pamilya.

Ang Provident Plans kasi, nagkaproblema sa pera kaya tinake-over na ng Insurance Commission (IC) at ngayo'y tinitingnan pa kung kaya pang buhayin ang kompanya.

Dahil dito ay dismayado ang anak ng kumuha ng pension plan.

"Nag-expect sila na may makukuha sila... Dugo't pawis ang pinag-anuhan nila, di pinulot 'yun para may maibigay sa kanila monthly," ani Ana Mamontayao, anak ng Provident Plans planholder. 

Paliwanag naman ng IC, kailangan pang maghintay ng mga planholder dahil wala pang pasya kung bubuhayin o tuluyan nang isasara ang kompanya at ibenta ang mga ari-arian nito para pambayad sa kanila.

"Ang iniiwasan kasi dito halimbawa mapunta sa liquidation at nagbayad tayo, unfair sa iba na di pa nababayaran ang plans," ani Atty. John Apatan, division manager ng Conservatorship, Receivership and Liquidation Division ng komisyon. 

Dalawang educational plans naman galing sa Philippine Prudential Life para sa kaniyang mga apo ang kinuha ni Lourdes Arosa.

Nagsara na ang Prudential Life at nakatakda nang ibenta ang ari-arian ng kompanya kaya tengga rin ang claim ni Arosa.

"Sabi sa akin baka mga 3 years pa 'yan [bago makuha]. Grabe, 3 years? Baka patay na ako nun," hinaing ng ginang.

Tiniyak naman ng IC na nasa listahan si Arosa, iyon nga lang ay walang katiyakan kung kailan niya makukuha ang benepisyo.

"Hihintayin niya magkano ang liquidation value at date ng distribution. Ia-announce naman namin. Magbibigay tayo ng first tranche pag na-sell na ang major assets ng kompanya," ani Apatan. 

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.