Masamang biro: Paaralan sa Albay, binulabog ng bomb threat

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2016 06:07 PM

Lima lamang sa 40 na estudyante ng isang klase sa Ibalon Central School ang pumasok nitong Huwebes dahil sa isang bomb threat na muling kumalat. Kuha ni Thea Omelan, ABS-CBN News

LEGAZPI CITY - Sa halip na magbalik na sa normal ang klase sa Ibalon Central School matapos ang bomb scare noong Lunes ng gabi ay muling naantala ang klase nitong Huwebes dahil sa panibagong bomb threat na kumalat.

Hindi nag-suspinde ng klase ang paaralan ngunit kanilang pinayagang sunduin ng mga magulang ang kanilang mga anak. Kaya naman sa isang klaseng may 40 na mag-aaral ay lima lamang ang naiwan.

Ayon sa paaralan, gaya ng nakaraang insidente, bukod sa kulang ang mga estudyante ay namalagi ang takot sa mga guro at mag-aaral na pumasok.

Sinuyod ng SWAT at EOD teams ng PNP ang katabing bakanteng lote ng isang bangko na nakatanggap din ng bomb threat.

Sa sentro rin ng Legazpi, isang bangko ang naantala ang operasyon ng isang oras dahil rin sa isang bomb scare.

Sinuyod muna ng Special Weapons And Tactics (SWAT) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) teams ng pulisya ang bakanteng lote sa tabi ng bangko na sinasabing nilagyan ng bomba ngunit wala silang nakita.

Anila, tulad ng insidente noong Lunes, isa na naman itong masamang biro.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad ang pagpapakalat ng maling impormasyong ito.

Hinala nila, may kinalaman ito sa matinding kampanya laban sa iligal na droga, kung saan gustong i-divert ng mga nasa likod nito ang atensyon ng pulisya sa ibang isyu.

Mayroon na umanong mga suspek ang mga pulis, pero ayaw muna nila itong pangalanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.