Bise alkade ng Cabiao nakaligtas sa ambush

Juan Germono, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2016 06:30 PM

CABIAO, Nueva Ecija – Itinuturing na pangalawang buhay na para kay Vice Mayor Angel dela Cruz ng Cabiao nang makaligtas sa pananambang sa bayan ng Arayat, Pampanga magta-tanghali Miyerkules.

Ayon kay dela Cruz, dalawang sasakyan umano ang bumaril sa kanyang puting pick-up habang naka-convoy kay Mayor Ramil Rivera.

"Naramdaman na lang namin na pinagbabaril kami, nagtitilasikan yung bubog ng salamin ng pick up. Pagkaraan ng putukan ayon na nga marami ng estudyanteng naglabasan. Minabuti namin na bilisan yung patakbo kasi ang iniisip namin baka sumunod pa yung mga gunmen," sabi ni dela Cruz.

Nadaplisan sa likod ang driver ni dela Cruz na kinilalang si Ramon Regalado.

"Habang lumalayo parang humapdi na yung likod ko nun, kasi nung pag-alis namin hindi ko alam na may tama na pala ako," sabi ni Regalado.

Dating pulis si dela Cruz kaya sanay na raw ito sa mga ganitong pagtatangka sa kanyang buhay.

"Sa sarili ko, ako'y nagagalit sapagkat wala naman akong kasalanan tapos a-ambushin kaming ganoon. Hindi naman ako nakaganti ng putok sapagkat kung gaganti naman ng putok may mga istambay doon, baka bystander na lang matamaan ko kaya hindi na ako pumutok," paliwanag niya.

Naniniwala siya na pulitika ang motibo sa pamamaril sa kanya.

"Sa pulitika talagang ganyan ang buhay…mga naiinggit, nagagalit sama-sama na rin yun. Wala akong direktang pinaparatangan ilang oras pa lang ang nangyari eh, pero maso-solve ko rin yan, malalaman ko rin yang pangyayaring yan kung bakit ginawa nila sa akin yun," sabi niya. 

Maaari rin daw na pakana lamang ito para tibagin ang malapit nilang relasyon ng kanyang mayor.

"Marami na ngang nagsasabi dyan na ang nangyari isang set up. Hindi naman ako naniniwala sa mga ganoon. Alam mo yun sabi sabi hindi mo alam kung baka pinagkakagalit lang kami ni mayor o ano," sabi niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.