Bentahan ng face shield sa Maynila, bagsak presyo na

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2021 09:53 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA - Maraming namimili ngayon sa Divisoria na agad sumunod sa executive order ni Mayor Isko Moreno Domagoso na hindi na kailangang magsuot ng face shield sa lungsod.

Kahit sa mga pampasaherong jeep, karamihan sa mga pasahero ay wala nang suot na face shield at naka face mask na lang. Ayon sa kanila, hindi komportable ang pagsusuot ng face shield lalo’t mainit ang panahon.

Matatandaang ipinagutos pa rin ang pagsusuot ng face shield kung nasa mga lugar na pasok sa 3C o closed, crowded at close contact area. Pero sa bagong kautusan nitong Lunes, sa mga ospital na lang ito required isuot.

Sa kabila nito, may mga ilang mga manggagawa at mamimili ang pinili pa rin magsuot ng face shield bilang dagdag proteksiyon.

Samantala, nangangamba naman ang mga nagbebenta ng face shield na malugi sila kung tuluyan nang ipatupad sa buong bansa ang hindi paggamit ng face shield.

Bagsak presyo na sa ngayon sa P7 kada piraso ng presyo ng face shield sa Divisoria at nasasayangan din sila sa extra na kita kung sakaling mawala na ito sa kanilang paninda.

Umapela na ang Department of Health sa mga local government unit na hintayin muna ang rekomendasyo ng Inter-Agency Task Force bago tuluyang alisin ang face shield.

- TeleRadyo 9 Nobyembre 2021