PatrolPH

Abandonadong barko nasunog sa Navotas fish port

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2021 06:31 PM

MAYNILA - Sumiklab ang apoy sa isang abandonadong barko na nakadaong sa Pier 5 sa Navotas fish port nitong Martes habang kinakatay ang mga bahagi nito, ayon sa mga awtoridad. 

Pasado alas-1 ng hapon nang itawag sa Bureau of Fire Protection (BFP) Navotas ang nasusunog na barkong BSJ 78. 

Wala namang naiulat na nasaktan sa sunog.

Ayon sa mga nakakita, kinakatay na lang ang mga bahagi ng barko nang biglang may sumiklab sa storage room na nasa basement.

Ayon kay F/Insp. Pedrito Polo, ang Chief Investigator ng BFP Navotas, puno ng mga foam at used oil ang ilalim ng barko kaya maitim ang usok na ibinuga nito.

Inaalam pa ng BFP Navotas ang sanhi ng sunog, sabi ni Polo.

Umabot lang sa first alarm ang apoy at na-contain din naman daw ito dahil isang area lang sa basement ang naapektuhan. 

Nahihirapan lang pasukin ang loob ng barko dahil sa kapal ng usok at kulob na basement.

Ang naturang barko ay pag-aari ng Seaver Marine Ship Building Industrial Corp. na nagre-repair at nag-iiscrap ng mga barkong hindi na bumibyahe. 

-- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

BALIKAN

Watch more on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.