Nagdala ng ayuda ang ABS-CBN Lingkod Kapamilya sa mga taga-Bato, Catanduanes na sinalanta ng bagyong Rolly. ABS-CBN News
Hindi mapigilang umiyak ni Lourdes Sulo sa pagbuhos ng ulan sa Barangay Cagraray, Bato, Catanduanes dahil tanging trapal ang kanilang sinisilungan ngayon.
Tinangay kasi ng hangin ang kanilang bubong noong nanalasa ang bagyong Rolly.
"Kung 'di kami nakahiram ng trapal, wala kaming matutulugan. Buti may naawa diyan sa amin," ani Sulo.
Sa katabing kapilya naman pansamantalang nakikitulog ang pamilya ni Salome Guillermo dahil tanging bubong ng kanilang kusina ang tinira ng bagyo.
"Lahat nawala pati 'yong atip, dinala ng bagyo," ani Guillermo.
Limang araw na isolated ang Barangay Cagraray dahil sa mga landslide at punong natumba sa kalsada.
Nawalan din ng hanapbuhay ang karamihan sa mga residente dahil dapa ang mga puno ng abaca.
"Maghihirap kami dahil puro abaca ang hanapbuhay namin dito," ani Sergio Tenerfe, chairperson ng Barangay Cagraray.
Isa ang ABS-CBN sa mga nakarating sa Cagraray dala ang mainit na lugaw na sumakto sa malakas na buhos ng ulan.
Mayroon ding dalang bigas at de lata ang ABS-CBN para sa mga taga-Cagraray.
-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Lingkod Kapamilya, Bato, Catanduanes, Lingkod Kapamilya, public service, Rolly, RollyPH, Bagyong Rolly, rehiyon, regional news, regions, TV Patrol, Bernadette Sembrano