PatrolPH

Mag-asawang senior, batang apo patay sa sunog sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2020 03:17 PM

Mag-asawang senior, batang apo patay sa sunog sa Caloocan 1
Tatlo ang namatay matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Pangarap Village, Caloocan City nitong Nobyembre 9, 2020. Jervis Manahan, ABS-CBN News

MAYNILA — Tatlo ang patay matapos ma-trap sa nasusunog nilang bahay sa Pangarap Village, Caloocan City nitong hatinggabi ng Lunes.

Kabilang sa mga namatay, ayon sa mga awtoridad, ang mag-asawang senior citizen na sina Vicente at Beatris Alegria at ang 3 taong gulang nilang apo na si Althea Orallio.

Nakakandado ang pinto sa kuwarto sa unang palapag ng bahay kung saan natutulog ang mga nasawi kaya hindi umano sila nakalabas.

Watch more on iWantTFC

Ayon sa kaanak na si Josha Alegria, lumabas sila ng bahay ng kaniyang asawa para bumili ng ulam at pagbalik ay nasusunog na ang bahay.

Sinubukan umano nila Alegria na iligtas ang mga kaanak pero hindi nila nagawa.

Posibleng sa napabayaang kandila nagmula ang apoy dahil walang kuryente nang mangyari ang insidente, ayon kay Fire Supt. Aristotle Baniaga ng Bureau of Fire Protection-Caloocan.

Wala namang ibang bahay na nadamay sa sunog.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.