COVID-free barangays sa Maynila binigyan ng P100k cash incentive

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2020 01:57 PM | Updated as of Nov 09 2020 07:53 PM

Kinilala ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga barangay sa lungsod na walang naitalang kaso ng coronavirus disease sa loob ng 2 buwan. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA — Binigyan ng tig-P100,000 cash incentive ni Manila Mayor Isko Moreno ang 73 barangay sa lungsod na walang naitalang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa loob ng 2 buwan.

Ginawa ang pagbibigay ng cash incentive at pagkilala sa mga barangay nitong umaga ng Lunes matapos ang flag-raising ceremony sa Kartilya ng Katipunan. 

Nag-umpisa ang pagbantay ng Manila Health Department sa COVID-19 cases sa mga barangay noong Setyembre 1 at natapos noong Oktubre 31.

Ayon kay Moreno, pinulong niya ang city council para paglaanan ng pondo ang cash incentive na matatanggap ng mga barangay at wala siyang panghihinayang dito.

Watch more in iWantTFC

Magagamit aniya ng mga barangay ang P100,000 para sa holidays, lalo't karamihan sa mga barangay ay halos naubos ang pondo dahil sa pagtugon sa pandemya.

Samantala, inanunsiyo na rin ni Moreno na ipinagbabawal muna ang carolling sa Maynila ngayong taon dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Papayagan naman ang mga bazaar basta susundin ang mga health protocol.

Sa tala noong Nobyembre 6, nakapagtala ang Manila local government ng 21,108 kumpirmadong kaso ng COVID-19, kung saan 480 na lang ang active cases o iyong hindi pa gumagaling sa sakit.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.