7 patay sa sunog sa Camarines Sur

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2020 04:41 PM | Updated as of Nov 09 2020 08:05 PM

Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-Tigaon

Pitong tao ang nasawi matapos masunog ang isang apartment sa Tigaon, Camarines Sur noong gabi ng Linggo, ayon sa lokal na Bureau of Fire Protection (BFP).

Nagsimula ang apoy sa door 2 ng apartment kung saan natagpuan ang mga bangkay ng isang pamilya, kasama ang 3 taong gulang na lalaki, ayon sa BFP.

Watch more in iWantTFC

Posible umanong tulog ang mga biktima sa ikalawang palapag ng gusali nang mangyari ang sunog.

Ayon sa BFP, bagong lipat lang noong gabi ng Linggo sa apartment ang pamilya.

Nakaligtas naman ang 4 pang pamilyang tenant sa 2-storey apartment.

Lumalabas na sanhi ng sunog ang napabayaang kandila sa ground floor ng door 2 apartment.

Wala pa kasing kuryente sa lugar kasunod ng pananalasa ng bagyong Rolly.

Higit P1 milyon ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog, ayon sa BFP.

-- Ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.