Swimming instructors ng nalunod na PMA cadet pinagpapaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 07:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY — Pinagpapaliwanag ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) ang mga swimming instructor at marcher na nangangasiwa nang malunod ang isang kadete sa pool noong Biyernes. 

Biyernes ng hapon nang makitang palutang-lutang ang katawan ni 4th Class Cadet Mario Telan Jr. 

Ayon kay PMA public affairs chief Capt. Cherryl Tindog, pagpapaliwanagin nila kung bakit walang nakapansin na hindi kasama sa formation ang kadete nang lumisan sa swimming pool. 

Kailangan kasi aniyang mag-headcount muna ang mga ito bago umalis, bilang parte ng kanilang protocol. 

"Everybody has their own business and it's so unfortunate na parang wala pong nakapansin kay Cadet Telan na hindi na siya umahon," ani Tindog. 

Sa kuha ng CCTV, makikitang lumalangoy ang apat na kadete, kabilang si Telan. Pero umahon ang tatlo nang wala si Telan.

Sunod nito ay makikitang tila lumulutang ang katawan ni Telan. Agad nilang dinala si Telan sa ospital, kung saan idineklara itong dead on arrival. 

Isinailalim sa autopsy ang bangkay ni Telan pero hindi pa isinasapubliko ang resulta nito. 

"Possible daw, sabi po ng ating doctor na it could be na nawalan siya ng malay dun sa sobrang pagod or he was not able to surface again nung pagtalon po niya pag-dive so ultimately 'yun nga ay napunta siya dun sa ilalim na part ng pool," ani Baguio City Police director Col. Allen Rae Co. 

Wala naman daw foul play sa pagkalunod ng biktima. Aalamin din and medical history ng kadete. 

Ang pagkalunod ni Telan ang ikatlong insidente ngayong 2019 na may namatay na kadete sa PMA magmula noong namatay si 4CL Darwin Dormitorio dahil sa umano'y hazing at noong namatay si 2CL Cedrick Gadia dahil sa cancer. 

Itinigil muna ng PMA ang pagdaraos ng swimming classes para repasuhin ang kanilang mga safety protocol. 

—Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN Newsc

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.