Sunog sumiklab sa commercial complex sa Maynila; 1 sugatan

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 10:10 AM | Updated as of Nov 09 2019 08:05 PM

MAYNILA – Isang lalaki ang sugatan matapos sumiklab ang apoy sa commercial complex kung saan ibinebenta ang surplus appliances sa Port Area sa Maynila Sabado ng madaling araw.

Ayon kay Fire Insp. John Joseph Jalique, chief investigator ng Manila Fire District, isang Luis Yu ang dinala sa ospital matapos masunog umano ang kamay at katawan.

Natupok ng apoy ang anim na stalls sa New Port Area Commercial Complex kung saan may mga panindang TV, refrigerator, washing machine at aircon pati na rin mga helmet ng motorsiklo at mga sewing machine.

Hindi naman makapaniwala si Rose Nama na ang P600,000 halaga ng kaniyang panindang mga sewing machine ay natupok sa sunog.

Watch more in iWant or TFC.tv

“Pinaghirapan namin ‘yan, ilang taon namin ipinundar tapos maubos lang ng ganun,” sabi ni Nama.

Umaasa pa naman ang mga nagtitinda na marami sanang bibili ng appliances ngayong paparating na ang Pasko kaya may ilan na sinubukan pang maisalba ang kanilang kagamitan.

Mabilis umanong kumalat ang apoy sa mga tindahan na gawa sa light materials sa loob ng complex na luma na rin.

“Nakita namin kumikislap-kislap (sa isang stall), gusto namin pasukin pero mahigpit ang lock,” sabi ni Barangay 650 Assistant executive officer Butch Pagalad.

Umabot sa first alarm ang sunog bago naapula.

Payo naman ng Bureau of Fire Protection na laging mag-inspeksiyon sa mga kable ng kuryente ng appliances para iwas disgrasya lalo't nalalapit na naman ang Pasko.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.