Robredo tututok sa pagtugis sa drug suppliers bilang ICAD co-chair: Lacson

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 05:54 PM | Updated as of Nov 09 2019 07:36 PM

MAYNILA — Planong ilihis ni Vice President Leni Robredo ang direksiyon ng "war on drugs" ng administrasyon para matugis naman ang mga supplier ng ilegal na droga, ayon sa isang senador nitong Sabado.

"One thing nag-agree kami is mag-refocus kasi for years nag-focus 'yung law enforcement sa demand side... [M]as maganda siguro mag-refocus na sa supply constriction naman, i-shift 'yung strategy sa paglaban sa droga," sabi ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson.

Nakipagpulong si Robredo kay Lacson, dating PNP chief, para humingi ng impormasyon kung paano wakasan ang talamak na pagkalat ng droga sa bansa.

Kasunod ito ng pagkakatalaga ni Robredo bilang co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Tingin ni Lacson, dapat mas paigtingin ang intelligence gathering para maging epektibo ang mga operasyon ng mga awtoridad.

"Ang intelligence napakaimportante nun dahil it is the front mover of all operations. Kung iko-control mo, i-enhance mo 'yung intelligence network mo," ani Lacson.

"Napag-usapan din namin na dapat siguro palawakin 'yung network para magkaroon ng close coordination with foreign counterparts," dagdag ni Lacson.

Watch more in iWant or TFC.tv

ISYU SA SEGURIDAD

Naghayag din si Lacson ng kaniyang pagtutol sa pagsama ni Robredo sa drug operations, na nag-ugat sa hamon ni PDEA Director General Aaron Aquino.

"Mako-compromise naman 'yung operations kung kasama mo 'yung Vice President from start to finish kasi 'yung security niya pa lang, nakakalat na 'yun," pahayag ng senador.

Samantala, nagbabala si Lacson kay Robredo na huwag masyadong magtiwala sa mga tao sa kaniyang paligid.

"Siyempre maraming character... She should really watch her back all the time."

— May ulat nina Katrina Domingo at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.