Preso patay matapos umanong mang-agaw ng baril sa Davao

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 10:29 PM

DAVAO CITY—Patay ang isang preso matapos umanong mang-agaw ng armas ng pulis sa lungsod na ito Sabado ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Renuel Habillo, 31, isang magsasaka.

Ayon kay Police Maj. Archimedes Wesley, hepe ng Calinan Police Station, isasailalim sana sa pangalawang fingerprint processing si Habillo matapos ito inilabas ng kulungan.

Bigla na lang umanong inagaw ng preso ang baril ng pulis na kasama nito, pero narinig ng isa pang pulis ang komosyon kaya binaril agad si Habillo at tinamaan sa ulo.

Dead on arrival sa Jose Robillo Hospital ang preso.

Hindi naman naniniwala ang ina ni Habillo na nanlaban sa pulis ang anak.

May kasong two counts of murder si Habillo matapos umano niyang pagtatagain ang isang mag-ina na sina Evelyn Lapera, 41, at Joy Lapera, 11, nitong Miyerkules sa Barangay Megkawayan sa Calinan District.

Ayon sa naunang imbestigasyon, nagalit si Habillo dahil hiniwalayan siya ni Evelyn, na kasintahan niya dati.

Magkapitbahay lang ang mga Lapera at Habillo.

Ikinalungkot naman ng mga kamag-anak ni Lapera ang pagkasawi ni Habillo, dahil gusto nilang mabulok ito sa bilangguan para mapagdusahan ang nagawang kasalanan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.