Plan holders hirap makuha ang pera sa 'naghihingalong' Loyola Plans

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 05:11 PM | Updated as of Nov 09 2019 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hirap ngayon ang 2 plan holder sa pagki-claim sa kanilang benepisyo mula sa Loyola Plans lalo't tagilid ngayon ang estado ng kompanya. 

Isa sa mga nagrereklamo si Antonio Catacutan, na kahit malapit nang maging senior citizen ay tuloy pa rin ang kayod sa Canada.
    
Reklamo ni Catacutan, Agosto 2018 pa nag-mature ang kaniyang pension plan sa Loyola Plans pero wala pa rin siyang napapala.

"Kailan pa namin magagamit 'yan? Baka di ko na magamit baka nasa ilalim na ko ng lupa eh di ko pa nakukuha 'yan," sabi niya.

Si Pacita Tugade naman mula Padian, Zamboanga del Sur, naluha na lang sa pagsusumamo na makuha ang kaniyang pension mula sa Loyola Plans. 

"Sa ngayon gagamitin ko sa pag-dialysis ng husband ko kasi ubos na 'yung PhilHealth niya kaya nangangailangan talaga kami ng pera," ani Tugade. 

Paliwanag ng Insurance Commission, nasa conservatorship na ang Loyola Plans.

Ibig sabihin, may in-appoint na ang gobyerno para tingnan kung puwede pang isalba o tuluyan nang ibibenta ang assets ng kompanya para mabayaran ang mga plan holder.

"Tuloy pa rin ang pagbabayad ng benefits as they come due. Nagkakaproblema sa delay, that means nagkakaproblema sa liquidity kaya ang proposal nila is magbebenta sila ng real estate," sabi ng abogadong si John Apatan, manager ng Conservatorship, Receivership & Liquidation Division ng Insurance Commission.

May good news naman si Apatan sa 2 nagreklamong plan holder.

"Nagawan na nila ng check, for signature na lang. Popondohan 'yung cheke nila," sabi ng abogado.

Sa susunod na linggo ang target release ng mga tseke.
    
Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.