Mga bangkang-pangisda wasak sa hambalos ng alon dahil sa bagyong Quiel

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

ABRA DE ILOG, Occidental Mindoro — Perwisyo sa kabuhayan ang idinulot ng bagyong Quiel matapos sirain ng malalakas na alon ang mga bangka ng mga mangingisda sa probinsiyang ito.

Mula sa dalampasigan, tinangay ng malalaking alon, winasak, at pinalubog ang mga bangka sa bayan ng Paluan.
 
Tulong-tulong ang mga mangingisda para maisalba pa ang ibang mga bangka.
 
Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), halos 60 motorized banca ang nasira.

Nasa 58 bahay rin ang nasira at 26 ang hindi na mapapakinabangan. Inilikas din ang 100 pamilya mula sa 10 coastal barangay.

"Tuwing amihan o habagat lumalaki ang alon pero hindi namin ini-expect na this time ganoon kalaki. Bagama't protektado ang aming bayan ng seawall, hindi ito sapat upang masanggahan ang ganitong kalalaking alon na 5 meters high," ani Paluan mayor Carl Pangilinan.

Posibleng ideklara sa Lunes ang state of calamity sa Paluan para magamit ang calamity fund sa pagtulong sa mga naapektuhan, na karamihan ay pangingisda ang kabuhayan.

"Ako po ay humihingi ng tulong sa national government lalo na kay DPWH Sec. [Mark] Villar dahil sobrang kulang po ang imprastruktura sa amin lalo na sa ganitong disaster," hiling ni Pangilinan.

Ayon sa weather bureau PAGASA, posibleng sea swell ang nangyaring paghampas ng malalaking alon sa lugar.

Nangyayari ang sea swell dahil sa malakas na hangin at hindi ito maituturing na storm surge dahil malayo ang bagyong Quiel sa Mindoro.

Bukod sa bayan ng Paluan, naranasan din ang sea swell sa San Jose, Mamburao, Sablayan, Rizal, at Sta. Cruz.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.