Higit 30 bahay at estruktura, tinangay ng rumaragasang ilog sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 05:48 PM

Higit 30 na bahay at estruktura ang tinangay ng rumaragasang ilog sa bayan ng Abulug sa Cagayan nitong Biyernes sa gitna ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Nakuha sa video ang pagtangay sa bahay ng residenteng si Lolita Bugarin, at isang waiting shed, sa pagragasa ng ilog sa Barangay Dana-ili.

Watch more in iWant or TFC.tv
Video mula kay Ca Catenza

Walang nagawa si Bugarin kundi panoorin na lang ang pagbagsak ng dalawang palapag niyang bahay at water refilling station, na apat na buwan niya umanong ipinatayo.

Pero malaki ang pasalamat niya na walang nasaktan sa kaniyang pamilya na nanirahan dito ng dalawang dekada.

Ayon kay barangay chairman Henry Masuli, nasa 36 na bahay ang nilamon ng ilog kaya nakisilong sa mga kamag-anak ang mga apektadong residente.

Namahagi na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Abulug sa mga residente. Plano nilang gawan ng river control ang ilog upang hindi na lumawak pa ang pinsala.

Hirap tumawid ang mga sasakyan sa ilang bahagi ng kalsada dahil sa pag-apaw ng ilog.

Humupa na ang baha sa ilang barangay sa Abulug kung saan naiwan ng matinding putik.

Nasa ilalim na ng state of calamity ang probinsya ng Cagayan dahil sa pagbaha.

- Ulat ni Joni Teneza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.