Bata nakaligtas sa pag-atake ng buwaya sa Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 12:20 PM

Kinailangang tahiin ang sugat na natamo ng bata mula sa pagkakasakmal ng buwaya sa bayan ng Balabac sa Palawan. Larawan mula sa Palawan Provincial Police Office

BALABAC, Palawan – Laking pasalamat ng mga magulang ng isang 12-anyos na babae matapos na makaligtas ito sa pag-atake ng buwaya sa ilog ng Barangay Poblacion 6, dito sa bayan, Biyernes ng gabi.

Galing umano sa bahay ng kanilang kamag-anak ang biktima at tumawid sa ilog kasama ang kaniyang kuya, pasado alas-6 ng gabi. Isang natumbang puno ng niyog ang nagsilbi nilang tawiran sa ilog. Nagulat na lang sila nang biglang sakmalin ang bata at mahulog sa ilog.

Agad itong sinaklolohan ng kaniyang kuya.

"'Yung hinihila na rin siguro siya ng kuya niya, nag-agawan na sila kaya naiwan 'yung ngipin ng buwaya sa ano (binti) ng anak ko," kuwento ng ina ng bata. 
 
Nagtamo ng malaking sugat sa binti ang bata kaya't kinailangan pang tahiin.

Ayon sa barangay, hindi naman sila nagkukulang sa pagpapaalala sa kanilang mga residente.

"Actually palagi naman po silang binibisita ng mga tanod kasi palagi po naliligo 'yung mga doon sa ilog. 'Pag nandoon pa po 'yung mga tanod. 'Pag wala na, ligo naman po sila ulit," ayon kay Punong Barangay Rosnah Ami.

Payo ng pulisya na umiwas na lamang ang mga residente sa mga lugar na hinihinalang may mga buwaya.

"If ever, 'yung mga ganitong area na alam naman po nila na marami pang buwayang nakakalat, ay huwag nang maglagi pa doon sa sinasabi nating posibleng mayroong buwaya sapagkat in any water, most likely mayroon po 'yan," sabi ni Police Maj. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office.

Unang linggo ng Nobyembre, isang mangingisda rin ang kinagat ng buwaya sa bayan ng Bataraza. Nitong Oktubre naman, isang mangingisda ang patay matapos na atakihin rin ng buwaya dito sa bayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.