2 timbog, P10.5-milyong halaga ng shabu nakumpiska sa Cebu City

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2019 09:53 AM

Isinilid pa sa isang plastic container ang hinihinalang shabu para hindi madaling makita, ayon sa mga operatiba. Donna Lavares, ABS-CBN News

Tinatayang P10.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa dalawang suspek sa magkahiwalay na operasyon ng awtoridad sa Cebu City, Biyernes ng gabi.

Isang drug suspect na kinilalang si Alias Bacol ang nakuhanan ng isa't kalahating kilo ng hinihinalang shabu ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 7, Biyernes ng gabi.

Ayon sa NBI, sa inuupahang bahay ni Alias Bacol sa Barangay Punta Princesa sa siyudad nila nakumpiska ang shabu sa kanilang paghain ng search warrant sa kaniya.

Ang nakumpiskang shabu ay isinilid pa sa isang plastic container para hindi umano madaling makita.

Ikinanta naman ni Alias Bacol ang kaniyang umano'y runner. Dahil dito, agad ikinasa ng NBI-7 at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa rehiyon ang isang buy-bust operation kung saan nahuli naman ang lalaking itinuro nito.

Nakuhanan siya ng 50 gramo ng hinihinalang shabu na aabot sa P300,000 ang halaga.

Maliban sa P10.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu na kabuuang nakumpiska sa dalawang drug suspect, may mga gamit din gaya ng weighing scale at tin foil na nasamsam mula sa kanila.

Ayon sa Regional Director ng NBI-7 na si Tomas Enrile, sila ang nagkasa ng operasyon sa tulong ng PDEA-7 dahil sa kanilang tanggapan unang nakarating ang intelligence report.

Dagdag ni Enrile, kabilang sa malaking drug group ang mga nahuling suspek. Hindi muna niya idinetalye ang background ng mga nahuli pero ayon sa kaniya, siguradong miyembro sila ng malaking drug group.

"Hindi lang sa Central Visayas ang kanilang area of operation for sure. In terms of source, hindi pa namin ma-divulge, for verification pa kasi,” sabi ni Enrile.

Hindi din muna pinangalanan kung sino ang mga drug link ng mga nahuli dahil may ginagawa pa silang follow-up operations.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.