Lalaking 'makulit,' patay nang tagain ng kainuman

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 09:09 PM

BANNA, Ilocos Norte - Patay ang 37-anyos na tricycle driver na si Robert Garcia matapos itong tagain ng kanyang kainuman sa Barangay Marcos sa bayang ito Miyerkoles ng gabi.

Ayon kay Senior Inspector Artemio Clemente, hepe ng Banna Police Station, nag-ugat ang insidente ng yayain ng biktima ang suspek na mag-inuman sa ibang lugar hanggang sa nakulitan umano ang suspek sa biktima.

"Niyaya niya ‘yung suspek na pumunta sa Laoag o Sarrat, ayaw naman ng suspek hanggang sa ito’y nakulitan," ani Clemente.

Para naman sa pamilya ng biktima, kung naging makulit man ito ay hindi sana ganoon kalala ang ginawa ng suspek.

Sa laki ng sugat sa leeg ng biktima, halos mapugot na ang kaniyang ulo.

Lumalabas din na hindi umano ibinigay ng suspek ang sukli ng biktima nang magpabili ito, na maaaring isa sa mga pinagugatan rin ng krimen.

“Nagpabili siya ng sigarilyo at bilog (alak), kulang ‘yung sukli na ibinalik," ani Jerald Garcia, kapatid ng biktima.

Nawawala rin ang P7,000 pera ng biktima sa kaniyang wallet. 

Nakakulong na ngayon sa provincial jail ang suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.