Lalaki patay nang manlaban umano sa operasyon kontra droga

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 05:58 PM


PUERTO PRINCESA CITY - Patay ang isang lalaki matapos umanong manlaban sa pulisya sa ikinasang operasyon kontra-droga sa Barangay Sta. Lourdes sa lungsod na ito Biyernes ng tanghali.

Ayon sa pulisya, pasugod na ang mga operatiba matapos ang bentahan ng droga nang makatunog ang suspek at magpaputok umano ito ng baril.

Tinamaan sa dibdib si Insp. Rey Aron Elona. Mabuti na lamang at may suot itong bulletproof vest.

Muli umanong nagpaputok ng baril ang suspek at napilitan ang mga pulis na paputukan ito.

Ayon pa sa pulisya, tatlong beses kinalabit ng suspek ang baril nito. Dalawa sa mga ito ang pumutok habang pumalya naman ang isa. 

Nagtamo ang suspek ng dalawang tama ng bala. Sinubukan pa itong dalhin sa ospital pero hindi rin nakaligtas.

Inaalam pa ng pulisya kung kabilang ang namatay na suspek sa listahan ng mga drug personalities sa lugar. 

Ipinagtataka rin ng pulisya ang nangyaring transaksyon dahil ito umano ang unang beses na nagkaroon sila ng transaksyon sa liblib na lugar.

Posible rin umanong may kasama pa ang suspek na maaring nakatakas.

Ayon naman sa mga opisyal ng Barangay Sta. Lourdes, naikutan na nila ang lugar na ito. Posible umanong paborable sa bentahan ng ilegal na droga ang lugar lalo na't maraming labasan ang kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.