Grupo nanalisi sa bigasan sa Antipolo; higit P300,000 natangay

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 07:09 PM | Updated as of Nov 09 2018 10:57 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sapul sa CCTV ang pananalisi ng isang grupo sa tindahan ng bigas at poultry products sa Antipolo City, kung saan natangay nila ang higit P300,000 cash. 

Sa CCTV footage na kuha noong Sabado, makikita ang sunod-sunod na pagpasok ng mga kawatang pinaniniwalaang magkakamag-anak. 

Pagdating sa tindahan, kaniya-kaniya silang ikot at tanong sa mga tindera at sabay-sabay pang nagbayad ng tig-pipiso ang ibang salarin. 

Makikita ring kinalabit ng matandang babae ang isang bata, na hudyat umano na simula na ang pagnanakaw. Nang mapansin ng bata na walang tao sa puwesto ng kahera, kinuha niya ang nakalapag na bag at umalis. 

Ayon sa may-ari ng tindahan na si alyas "Helen," napansin lang niyang nasalisihan siya nang umalis na ang mga salarin. 

"Lahat ng tao [sa tindahan], kinuha nila ang attention, kaya nakalusot sila. Tapos ginapang na ng bata ang bag ko. Bata ang ginamit nila. May lola pa, ang tanda-tanda na, hindi pa nakonsensiya. Mga kasabwat niya ay nagsesenyasan," ani Helen. 

Hiling naman ni Helen na maging aral sana sa lahat ang nangyari sa kaniya.

"Hindi man mabalik ang pera ko, paghatian na nila 'yun. Pero sana maging aware ang taumbayan na pati bata puwede pang gamitin sa ganito," dagdag ng biktima.

Payo ni Antipolo City Police chief Superintendent Villaflor Bannawagan, mag-ingat sa parehong modus lalo't magpa-Pasko. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.