DOH nagpaalala laban sa sobrang pagkain ngayong Kapaskuhan

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 03:26 PM

Abala ang ilang manggagawa sa pagluluto ng lechon sa  La Loma, Quezon City, December 21, 2017. Karaniwang handa sa Noche Buena tuwing Pasko ang lechon. George Calvelo, ABS CBN News


MAYNILA- Nagpaalala ang Department of Health (DOH) laban sa mga sakit na posibleng lumala o makuha dahil sa sobrang pagkain ngayong Kapaskuhan.

Pinaalalahanan ni DOH Undersecretary Eric Domingo ang publiko nitong Biyernes na maghinay-hinay sa pagkain ng matatamis at matatabang pagkain lalo na at kabi-kabila ang mga handaan tuwing Pasko.

Aniya, ang sobrang pagkain ay maaaring magdulot ng hypertension at diabetes.

“Ginagawa kasi nating excuse na minsan lang naman ang Pasko, minsan lang naman na magkakasama-sama ang pamilya, gusto rin nating ipaalala na masaya rin namang mag-celebrate in moderation," ani Domingo nitong Biyernes.

"Kasi kung kayo ay diabetic, 'yung matamis bawal sa atin 'yun every day. Kung mataas ang cholesterol, hindi naman puwedeng isang buwan tayong kakain ng marami at hindi iisipin ang magiging epekto nito sa ating katawan,” dagdag niya.

Payo ni Domingo, makabubuti ang sumunod sa isang "meal plan" upang makontrol ang blood pressure at lebel ng asukal sa katawan.

Paglilinaw din ni Domingo, hindi lamang sobrang pagkain ang sanhi ng hypertension at mga sakit sa puso tuwing Kapaskuhan. 

Nakakasama rin daw sa katawan ang pagtayo ng mahabang oras tulad ng paghihintay sa mahahabang pila sa mga mall, at ang sobrang stress.

“Sa sobrang tagal na pagkakatayo, maaring 'yung dugo galing sa utak bababa at bumababa 'yung blood pressure natin at humihina yung profusion ng oxygen sa ating katawan kaya mayroong mga hinihimatay,” aniya.

Para naman sa mga taong madalas magtiis sa mahahabang pila o hindi masyadong gumagalaw, maaari daw ma-develop ang varicose veins at vein thrombosis.

“'Pag namuo 'yung dugo sa ating mga binti, maari itong magbara at umikot sa katawan at mag-cause ng sakit katulad ng stroke at heart attack,” ani Domingo.

Paalala din ni Domingo sa publiko, mas masaya ang pagdiriwang ng Kapaskuhan kapag malusog ang buong pamilya.

-ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.