Dating punong barangay, patay sa pamamaril sa Aurora

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 01:07 AM

Patay ang isang dating punong barangay sa bayan ng Aurora, Isabela matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin nitong Miyerkoles ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Pacifico Duque na naka-tatlong termino bilang punong barangay ng Divisoria.

Sa imbestigasyon, ang biktima ay sakay ng kaniyang motorsiklo at papunta sana sa kaniyang babuyan sa bayan ng Burgos nang sundan umano ng riding-in-tandem.

“Caliber .45 na baril yung ginamit ng dalawang suspek na riding-in-tandem at naka-helmet,” ayon kay Supt. Rommel Rumbaoa, deputy provincial director for administration ng Isabela Police.

Wala naman daw naiulat na pagbabanta sa buhay ng biktima ayon sa pamilya nito.

Pero hindi isinasantabi ng awtoridad ang lahat ng anggulo sa pamamaslang, kabilang ang politika, personal na alitan at pagnanakaw.

“Accordingly may dalang pera ito na P30,000 sa initial investigation. Pero magulo pa isip ng pamilya kaya hindi pa masiguro ng misis niya kung nadala niya o naiwan sa bahay nila yung pera,” ani Rumbaoa.

Nakikipag-ugnayan na ang awtoridad sa mga posibleng testigo para matukoy ang nasa likod ng pagpatay kay Duque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.