Aircraft na may dalang 3 US helicopters, lumapag sa Davao

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 12:47 AM

Tatlong US helicopters, dinala ng isang Russian Antonov aircraft sa Davao airport. Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Lumapag ang isang Russian Antonov aircraft dala ang tatlong US helicopters sa Francisco Bangoy International Airport sa Davao City mula Sri Lanka nitong Miyerkoles ng gabi.

Ipinarada sa airport ang tatlong US helicopters matapos i-assemble ng limang Amerikano ang rotor nito.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines, sa Zamboanga Airport ang orihinal na destinasyon ng Antonov aircraft, pero dahil hindi kaya ng runway ang bigat at laki ng nasabing cargo plane, dumiretso ito sa Davao airport.

May basbas ng gobyerno ng Pilipinas ang pag-transport sa nasabing mga helicopters kung saan ang American Embassy ang consignee nito para sa Joint Special Operations Task Force.

Nilinaw ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom) na ang US helicopters ay hindi gagamitin sa military exercises lalo na’t isa itong civilian helicopter.

“Since ang sabi civilian helicopter ito eh hindi ito gagamitin sa mga military practices,” ani Eastmincom spokesperson Lt. Col. Ezra Balagtey.

Lumipad patungong Japan ang Antonov aircraft nitong alas-5 ng umaga, Huwebes.

Ililipad naman patungong Zamboanga City ang tatlong US helicopters sa susunod na linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.