12 patay, 79 arestado sa mga operasyon kontra droga sa Laguna

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 12:38 AM

Umabot sa 12 ang patay habang 79 ang arestado sa sunod-sunod na operasyon kontra ilegal na droga sa Laguna nitong Miyerkoles at Huwebes.

Labing-isa sa mga nasawi ay mga pinaniniwalaang mga drug pusher sa probinsiya.

Umabot sa higit 40 gramo ng ilegal na droga na may halagang P100,000 ang narekober ng pulisya. 

Ayon sa Laguna Police, ikinaalarma umano nila ang mga impormasyong nakalap na may mga ilegal na armas ang mga nagtutulak ng droga sa probinsiya.

"May mga information na nga po kami na na-aarmasan na nga po yung mga suspek sa illegal drugs so nagkaroon ng intelligence driven operation," ani Chief Insp. Jojo Sabeniano, hepe ng Laguna Police Public Information Office.

May isa namang operasyon laban sa bentahan ng ilegal na armas na nauwi rin sa armadong engkwentro.

Isa ring pulis ang nasugtan sa bayan ng Nagcarlan, matapos tamaan ng bala sa kaniyang binti.

Iniimbestigahan naman ng pulisya kung sino ang mga posibleng supplier ng mga naaresto at nasawing drug suspects.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.