Animo'y nakasakay sa tsubibo ang mga guro ng Pancian Elementary School sa lakas ng hiyawan habang tinatawid ang parte ng Manila North Road KM 578+800 sa Sitio Bangkerohan, Brgy. Pancian, Pagudpod, Ilocos Norte.
Ngunit hindi sila sa tsubibo nakasakay kundi sa isang backhoe na naghahakot ng lupa sa kalsada dala ng landslide sa lugar.
Video from Bayan Patroller Mark Anthony Martinez Rangasan
Oktubre 25 nang ipadala ni Bayan Patroller Mark Anthony Martinez Rangasan sa BMPM ang mga video habang naglalakad siya at iba pang co-teachers sa parteng ito ng Manila North Road dahil wala pang sasakyang makadaan sa kalsada bunsod ng landslide.
Kita rin sa video ang ibang guro na nakisakay sa backhoe para makalipat sa parte ng kalsadang hindi apektado ng landslide.
Sa video namang padala sa BMPM noong Oct. 27 ng isa pang guro na si Bayan Patroller Niel Ferreras, makikita ang ilang estudyanteng naglalakad sa kalsadang apektado ng lanslide para makapasok sa paaralan.
Video from Bayan Patroller Niel Ferreras
Ayon kay Ferreras, natatakot man silang dumaan sa lugar ay kailangan nila itong gawin dahil sa tawag ng tungkulin.
"Kahit gaano kahirap, we need to sacrifice ourselves para sa learners," aniya.
Sabi ni Engr. Robert Rabago, hepe ng maintenance section ng Department of Public Works and Highways - Ilocos Norte 1st District Engineering Office, ang suspetsa nila ay na-trigger ang landlide ng una at ikalawang lindol na tumama sa norte nitong July 27 at Oct. 25.
Aniya, dala na rin marahil ang landslide ng sunod-sunod na malalakas na bagyo na tumatama sa norte kamakailan.
Tuloy-tuloy ang clearing operations ng DPWH sa lugar, sabi ni Rabago.
Sa katunayan, aniya, nasa level na ng regional pavement ang natatapos nila. Kung walang makikitang road cut o nasirang pavement ay matatapos na ang clearing operations.
Sa post ng DPWH Region 1 Ilocos Region nitong Nov. 6, sinabi ng ahensya na two lanes na ang passable para sa lahat ng klase ng sasakyan.
- Dabet Panelo, Bayan Mo i-Patrol Mo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.