PatrolPH

Ilang survivors nagtipon sa Yolanda mass grave sa ika-8 anibersaryo ng bagyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2021 02:34 PM

Nagtungo sa Yolanda mass grave sa Tacloban City ang kamag-anak ng mga nasawi sa naturang bagyo ngayong Nobyembre 8, 2021, kasabay ng paggunita sa ikawalong anibersaryo ng pananalasa ng bagyo. Retrato mula kay Sharon Evite
Nagtungo sa Yolanda mass grave sa Tacloban City ang kamag-anak ng mga nasawi sa naturang bagyo ngayong Nobyembre 8, 2021, kasabay ng paggunita sa ikawalong anibersaryo ng pananalasa ng bagyo. Retrato mula kay Sharon Evite

Nagtipon-tipon ngayong Lunes ang ilang survivor ng Bagyong Yolanda sa mass grave sa Tacloban City para gunitain ang ikawalong anibersaryo ng pananalasa ng bagyo.

Nag-alay ng dasal, kandila at mga bulaklak sa mass grave sa Barangay Basper ang mga namatayan noong tumama ang Yolanda noong ika-8 ng Nobyembre 2013.

Kasama rito ang 75 taong gulang na si Alicia Iguillos na namatayan ng asawa.

Ayon kay Iguillos, nagpaiwan sa kanilang bahay sa San Jose, Tacloban ang kaniyang asawa para may magbantay ng kanilang mga gamit noong mangyari ang kalamidad.

Tanggap na umano ni Iguillos ang nangyari. Pero kahit walong taon na ang nakararaan, hindi pa rin niya mapigilang maiyak.

Watch more on iWantTFC

Nagtirik din ng kandila si Rogelio Opong, na namatayan ng anak sa kasagsagan ng bagyo.

Kahit walong taon na daw ang nakalipas, hindi pa rin niya maiwasang manghinayang sa pagkawala ng anak.

Nagkaroon rin ng commemoration sa Yolanda Memorial Flame sa Tacloban Astrodome.

Tinatayang nasa 6,300 ang namatay at higit 1,000 ang nawala nang hagupitin ng bagyong Yolanda ang mga nasa gitnang rehiyon ng bansa.

Sinuspende ngayong Lunes ang klase at trabaho sa ilang lugar sa Eastern Visayas para gunitain ang pananalasa ng Yolanda.

— Ulat ni Sharon Evite

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.