Yolanda survivors tumulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2020 05:13 PM | Updated as of Nov 08 2020 06:40 PM

Tumulong ang mga lineman na Yolanda survivors sa pagtatayo ng mga poste sa Albay, na sinalanta kamakailan ng bagyong Rolly. Retrato mula sa The Leyte III Electric Cooperative, Inc.

Mga wasak na bahay, nabuwal na mga puno at natumbang poste ng kuryente ang tumambad sa mga lineman mula Eastern Visayas nang dumating sila sa Albay, na sinalanta kamakailan ng bagyong Rolly.

Ang mga ito ay nagpapaalala umano sa kanila nang manalasa ang bagyong Yolanda 7 taon na ang nakalilipas.

Para sa mga lineman mula Leyte, walang ibang mas makakaintindi sa sinapit ng mga biktima ng Rolly kundi ang mga Yolanda survivor gaya nila.

Kaya ngayon, pagkakataon naman daw nilang tumulong sa mga nasalanta ng bagyo sa pamamagitan ng pagkukumpuni ng mga nasirang poste ng kuryente.

Watch more in iWantTFC

"Layunin po namin na matulungan ang Albay Power Energy Corporation upang bumilis ang pagbabalik ng kuryente sa lalong madaling panahon," ani Thompson Aragon, lineman mula sa Don Orestes Romualdez, Electric Cooperative, Inc.

"Bilang Yolanda survivor, ikinagagalak naming makatulong sa power restoration, alam namin ang pakiramdam," sabi naman ni Pegie Ortula, construction operation head mula sa The Leyte III Electric Cooperative, Inc.

"Nang dumating kami sa Albay, bumalik ang aming alaala... kaya nagpursige kaming tumulong," ani Ortula.

Nakalikom din ng relief goods, mga damit at iba pang pangunahing pangangailangan ang ibang Yolanda survivors para maipadala sa mga taga-Luzon.

-- Ulat ni Sharon Evite, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.