VIRAL: Principal nag-ala-construction worker para matapos ang proyekto ng paaralan

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2020 03:17 AM

Nag-viral sa social media ang kuwento ng punongguro na si Elmer Lumbo matapos nitong magmason para sa proyekto ng paaralan. Jose Elvis Michelet Lumbo

Masayang ibinahagi sa social media ni Jose Elvis Michelet Lumbo ang mga larawan ng kaniyang amang punongguro na nagpasyang siya mismo ang tumapos ng riprap at ginagawang kongkreto sa Habana Integrated School sa bayan ng Buruanga, Aklan noong Oktubre 28.

 

Ayon kay Jose Elvis Michelet, ginawa ito ng amang si Elmer para matapos na ang proyekto at maiulat na sa school division. Dagdag ng isa pang anak na si Jose Elmer Leonardo, hinahabol na ang deadline ng proyekto at marami pang ibang kailangang matapos kaya nagdesisyon ang tatay niyang tumulong na sa konstruksiyon.

Kuwento ni Jose Elmer Leonardo, halos 10 taon nang punongguro ang amang sanay aniya sa mabibigat na trabaho dahil laki ito sa hirap, kaya naman nagkukusa ang kaniyang tatay na tumapos ng mga dapat gawin sa eskuwelahan kahit pa punongguro na siya.

“Dati nagsimula siyang magtrabaho sa isang hardware, mula kasi sa mahirap na pamilya… Sanay po siya sa hirap, sanay sa mga mabibigat na trabaho. Siguro ‘yon ‘yong… nakasanayan niya nang gawin at parang automatic na po sa kaniya na kung ano ang kailangan gawin dito po sa school, siya talaga nagli-lead…” ani Jose Elmer Leonardo.

Nang mag-viral ang kuwento ni Elmer online, masaya siyang naging inspirasyon para sa iba at maipakitang ang serbisyo publiko ay wala sa posisyon o yaman kundi sa likas na kagustuhang makapagsilbi sa kapwa nang walang hinihinging kapalit, pagbabahagi ng anak niya. 

Lalo namang ipinagmalaki ng magkapatid ang kanilang ama mula nang hangaan ito dahil sa kaniyang kasipagan at dedikasyon sa trabaho.

“Masaya po kami sa kung anuman ‘yong na-achieve niya, sa mga papuri na natanggap niya po sa netizens at mga taong lubos na humanga sa kasipagan at sa pagkatao niya.”

Pangarap ng isang punongguro sa Donsol, Sorsogon na wala nang bata na hindi marunong magbasa pagpasok sa high school kaya gamit ang kariton, nag-iikot siya sa mga barangay para magturong magbasa.

Watch more in iWantTFC

Ulat ni Bryan Reyes

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.