PatrolPH

Traffic police patay nang manita ng motorista sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2020 01:08 PM

Patay ang isang miyembro ng Cavite Highway Patrol Team matapos mauwi sa engkuwentro ang paninita sa motorista sa Cavite City, sabi ngayong Linggo ng pulisya sa lungsod.

Napatay din ang isa sa mga salaring nakabarilan ng mga awtoridad noong hapon ng Biyernes sa Manila-Cavite Road sa Barangay 8, ayon sa ulat ng Cavite police.

Sa ulat, kinilala ang napatay na pulis bilang si Police Chief Master Sgt. Julius Arcalas.

Nagsasagawa umano ng anti-carnapping operation si Arcalas at mga kasamahan nito nang harangin nila ang sasakyan lulan ang 2 hindi pa nakikilalang salarin dahil sa kawalan ng plaka.

Nang sitahin, nagpakilala umano ang mga suspek na miyembro ng Philippine Navy at may nakita ring Navy uniform sa loob ng sasakyan.

Dahil may violation, sinubukan ni Arcalas na kuhanin ang lisensiya at OR-CR ng mga salarin. Pero tumanggi ang mga ito.

Bumaba ang isa sa mga salarin at pinagbabaril si Arcalas, ayon sa pulisya.

Gumanti ng putok ang mga pulis at pinatay ang isa sa mga salarin habang mabilis na nakatakas ang kasamahan nito papunta sa direksiyon ng Noveleta.

Nadaplisan naman ng bala ang isang residente.

Patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng isa pang salarin.

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.