Dalawa ang patay habang 13 ang arestado sa magkakasunod na operasyon kontra droga sa Bulacan nitong Nob, 6 at 7. Larawan mula sa Police Regional Office 3
Patay sa magkahiwalay na engkwentro sa pagitan ng Bulacan police ang dalawang itinuturong drug suspect sa ikinasang 2 araw na malawakang anti-illegal drugs operation sa lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes at Sabado.
Sa bayan ng Baliwag, patay si Eric Sandoval alyas Kabo, na dati na ring naaresto dahil sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at carnapping.
Narekober sa kaniya ang isang kalibre .9mm na baril na may mga bala, mga basyo ng calibre .9mm, magazine ng baril, digital weighing scale at 7 sachet ng hinihinalang shabu.
Sa siyudad naman ng San Jose del Monte, patay rin ang suspek na si Jeremie Garcia alyas Diego, kung saan nakuha naman sa kaniya ang isang pakete ng hinihinalang shabu, isang revolver at motorsiklo.
Arestado rin sa pagkakasangkot sa droga ang 13 iba pa na mula sa mga bayan ng Calumpit, Guiguinto, Malolos, Meycauayan, San Miguel, San Rafael at lungsod ng San Jose Del Monte.
Nasamsam mula sa kanila ang 38 sachet ng hinihinalang shabu. Nakumpiska rin ang mga cellphone, motorsiklo, boodle at buy-bust money.
- ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Bulacan, anti-illegal drugs operation, PNP, Police Regional Office 3, regional news, Tagalog news