Pinuno umano ng sindikatong Chinese, timbog sa Maynila

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 10:26 PM

Isang itinuturong pinuno ng Chinese syndicate ang inaresto sa Maynila nitong Biyernes ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, tinaguriang pinuno ng "Sun Kai Criminal Group" ang nahuling 33-anyos na suspek sa Malate.

Nag-ugat ang pag-aresto dahil sa reklamo ng dalawa pang Chinese na hiningan umano ng P200,000 ng suspek kapalit ng hindi pag-kidnap sa kanila.

Nakuha mula sa suspek ang P200,000 na marked money at isang cellphone.

Kasong robbery extortion ang isasampa laban sa suspek. 

Ayon kay Police Col. Ronald Hipolito, regional chief ng CIDG-NCR, mga Chinese na nasa Pilipinas ang karaniwang binibiktima ng naturang sindikato.

Sangkot din umano ito sa swindling at pamemeke sa Pilipinas at China.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.