Mga nurse nanindigan sa hiling na taas-sahod

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 03:55 PM | Updated as of Nov 08 2019 05:47 PM

MAYNILA - Umarangkada na ang malawakang national day of protest ng libo-libong nurse sa bansa bilang panawagan sa pamahalaan na ipagkaloob na sa kanila ang nararapat na sahod.

Mula sa España Boulevard sa Maynila, nagmartsa ang mga miyembro ng Philippine Nurses Association (PNA) at iba pang sumusuportang grupo ng mga nurse at medical professional sa bansa patungong Kartilya ng Katipunan sa Maynila.

Mula sa orihinal na national day of protest, nauwi ang programa ng grupo sa anila’y mala-national day of unity dahil sa pagkakaisa ng kanilang mga miyembro.

Ayon kay PNA President Erlinda Palaganas, hindi nila nagustuhan ang naging anunsyo sa publiko ng mismong kalihim ng Department of Health sa naging ruling ng Supreme Court na nagsasabing legal ang pagtataas sa salary grade 15 ng sahod ng mga nurse sa bansa o dapat sana´y mahigit P30,000 kada buwan. 

Nauna na kasing sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi pa matatamasa sa ngayon ng mga nurse sa bansa ang benepisyong maitaas sa salary grade 15 ang kanilang sahod.

Ayon sa kalihim, kailangang tingnan kung saan kukuha ng pondo. 
 
Ayon naman kay Palaganas, bilang itinuturing nilang ama ng mga medical practitioners sa bansa gaya ng mga nurse, hindi nila inakala na ganito ang magiging pahayag ni Sec. Duque.

Aniya, dapat man lang sana’y nagbigay sa kanila ng pag-asa si Duque sa halip na mistulang tinuldukan na agad ang inaasahan nilang pagtataas sa sahod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.