'Kabi-kabilang konstruksiyon, ulan sanhi ng trapik sa SLEX, Skyway'

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 06:55 PM | Updated as of Nov 08 2019 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Matinding trapiko ang sumalubong sa mga motoristang dumaraan sa South Luzon Expressway at Skyway, gabi ng Huwebes bunsod ng pagkukumpuni sa bandang Alabang na sinabayan pa ng pag-ulan. 

Binatikos ito sa social media ng ilang motorista, na napako nang aabot sa tatlong oras bago makalabas sa dalawang pangunahing kalsada. 

Umabot mula sa Magallanes south bound lane ang trapik, maging sa baba ng kalsada at sa Skyway. Apektado rin ng matinding trapik ang mga exit sa southbound lane ng Nichols, Bicutan, at Sucat sa Parañaque.

Nagpaumanhin ang pamunuan ng SLEX, at nagpaliwanag sa nangyari. 

Bahagi ang pagkukumpuni sa pagpapatayo ng temporary ramp na layong ayusin ang masikip na trapik na nararanasan ng mga motorista, ayon kay ani Manny Bonoan, President at Chief Executive Officer ng Skyway, SLEX, and STAR Tollways. 

"We were doing an overlay program dito sa itaas ng Alabang viaduct on the fourth lane. Medyo matindi 'yung ulan kagabi kasi so we had to stop yung paving works namin, hindi namin maalis yung equipment namin," ani Bonoan. 

Sa pagpapatayo ng temporary ramp, ayon kay Bonoan, nasa 15,000 sasakyan ng 68,000 motoristang dumaraan ng Alabang Viaduct ang mababawas sa pagpapatayo nila ng steel ramp

Nangako ang pamunuan ng SLEX na tatapusin nila ang konstruksiyon ng rampa sa Nobyembre 30. Magagamit na anila ang lahat ng lane pati ang steel ramp pagdating ng Disyembre 1.

Ililipat naman sa Nobyembre 9 ang naka-schedule na temporary closure ng Filinvest exit para hindi makipagsabayan sa trapik na nararanasan tuwing Biyernes. 

Muli itong bubuksan ng gabi ng Nobyembre 10. 

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.