Epekto ng Yolanda dama pa rin ng survivors 6 taon matapos ang delubyo

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 07:45 PM | Updated as of Nov 08 2019 10:42 PM

PALO, Leyte — Ginunita ng mga nakaligtas sa super typhoon Yolanda ang ikaanim na taon mula nang nangyari ang delubyo, na kumitil sa buhay ng marami sa kanilang mga kaanak at kaibigan. 

Kaniya-kaniyang paraan ang survivors para alalahanin ang mga namaalam nilang mahal sa buhay na hindi pinalad makaligtas kay Yolanda. 

Sa Palo, Leyte, bukod sa pag-aalay ng bulaklak at pagtitirik ng kandila ay nagpalipad pa ng mga puting kalapati ang mga kaanak ng nasawi sa super bagyo. 
    
Si Adelina Lumen, hanggang ngayon ay inaalala pa rin ang nangyari sa 2 kapatid na namatay dahil sa bagyo.

"Naaalala ko sila, naiiyak ako, malungkot," aniya. 
    
Sa Tacloban City, marami ang bumisita sa mass grave ngayong Biyernes upang magtirik ng kandila para sa mga biktima ng Yolanda.
    
Ilang Yolanda survivors rin ang naghanda ng pagkain sa kani-kanilang bahay kasabay ng padarasal para sa mga namatay na kaanak.

Problema sa relocation

Marami sa survivors ang nakalipat na sa relocation site simula noong 2017 pero may ilan pa ring naiwan dahil hindi pa tapos ang ilang pabahay.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles na siyang namamahala sa inter-agency task force para sa rehabilitasyon sa Yolanda, minamadali na nila ang pagtapos ng mga pabahay.

Sa mahigit 205,000 pabahay para sa Eastern Visayas, nasa 61 percent na ang natatapos.
    
Tiniyak umano ng National Housing Authority (NHA) na matatapos ang mga pabahay sa 2020.

"We're getting there, because we're looking at the numbers every month. Nagmi-meet ang aming task force, and every month nagpapa-briefing kami ng mga accomplishment reports ng NHA," paniguro ni Nograles. 


—Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.