Demand sa mga paupahan tumataas; tindi ng trapik isa sa mga dahilan

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 06:11 PM | Updated as of Nov 09 2019 07:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Habang palala nang palala ang trapik, lumalaki naman ang demand sa mga condo at iba pang residential property na pinarerentahan sa Metro Manila kahit pa may kamahalan ang presyo nito.

Batay sa pag-aaral ng property consulting firm na Colliers International Philippines, gumagastos ang isang average bed spacer ng P4,000 hanggang P6,000 sa renta.

Mas mahal mangupahan kumpara sa mag-commute kung saan nasa P1,000 hanggang P4,000 lang ang buwanang gastos. 

Pero para sa mga nagtatrabaho, mas gugustuhin na nila ito kaysa magsayang ng oras sa kalsada dahil sa mala-delubyong trapiko.

"Staying here, I get [more] hours watching movies. I can eat, I can exercise unlike before na hindi ko siya nagagawa," sabi ng empleyadong si Nina Leis. 

"Pasig to BGC (Bonifacio Global City, Taguig) is 2 hours which is very hard for me to travel kasi hindi ako dapat nagtatagal nang ganon sa daan," ayon naman kay Maria Mercedes Escaño. 

Inaasahan pa ng Colliers na titindi pa ang demand sa condo dahil bukod sa lumalala ang trapik, umuusbong din ang iba't ibang industriya, kabilang na dito ang mga Philippine offshore gaming operations (POGO).

"Marami ang mga industriya na lumalago. So isa diyan, BPOs. Hindi lang call center, meron ring mga medical transcription, software engineering, at ito 'yung mga trabaho na mas malaki 'yung pinapasahod," paliwanag ni Joey Roi Bondoc, senior manager for research ng Colliers.

Noong 2018, umabot sa 54,000 ang condominium pre-sales sa major central business districts, na mataas ng 1,000 kumpara noong 2017, ayon sa datos ng Colliers.


—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.