Chinese na nangikil umano sa kababayang POGO operator, arestado sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 04:23 AM | Updated as of Nov 08 2019 06:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Arestado sa Malate, Maynila Biyernes ng madaling-araw ang isang lalaking Chinese matapos ireklamo ng pangingikil sa kaniyang kababayan.

Ayon kay Police Maj. Brian Andulan ng police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ikinasa ang operasyon matapos magsumbong sa kanila ang 26 anyos na biktima.

Base sa paunang imbestigasyon, nagkakilala sa social media ang biktima na isang operator ng Philippine offshore gaming operations (POGO) at 33 anyos na suspek.

Tinakot umano ng suspek ang biktima na dudukutin ito kapag hindi nagbigay ng pera.

Unang hiningan ang biktima ng ¥2 milyon (P14 milyon). Pero humingi ulit ang suspek ng karagdagang P200,000 na dapat ibigay kada linggo. 

Nakipagkasundo na makipagkita sa harapan ng isang hotel ang suspek para kunin ang hinihinging pera na nagresulta sa pagkaaresto nito.

Lumalabas din sa imbestigasyon na kasapi ng isang sindikato ang suspek na nambibiktima umano ng mga operator ng POGO.

Kasong robbery-extortion ang kahaharapin ng suspek.—Ulat ni Fred Cipres at Lady Vicencio, ABS-CBN News

(¥1=P7.2)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.