6 na illegal recruiter timbog sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 04:15 AM | Updated as of Nov 08 2019 07:43 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Arestado sa Malate, Maynila nitong Huwebes ang hinihinalang grupo ng mga illegal recruiter na nambibiktima ng mga gustong magtrabaho abroad.

Inabutan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga suspek sa isang fastfood restaurant na umano'y tagpuan para sa orientation ng mga aplikante.

Mula sa iba't ibang lalawigan ang mga aplikante na nahikayat lang sa social media.

"Sa Facebook lang po nag-post sila ng urgent hiring factory worker bound for Japan. Ang magiging sahod is P80,000 to P85,000," ani alyas Tina na mula pa Zamboanga.

Anim ang itinuturong illegal recruiter na inabutan sa lugar. Lumalabas sa imbestigasyon na mga recruitment agency ang pinagkakakitaan nila.

"Itong mga aplikante pumupunta sa agency at 'yong agency ay nagco-conduct ng interview... After that magre-reimburse itong grupo na ito ng allegedly expenses sa pagdala ng mga aplikante. 'Pag nakakuha na sila ng pera sa mga agency, hindi na rin nagpapakita itong mga aplikante," ani Ronald Aguto Jr., hepe ng international operations division ng NBI.

Tatlong recruitment agencies ang nagsampa ng reklamo laban sa mga suspek. Umabot na umano sa P10 milyon ang natangay nila mula sa mga ahensiya.

Nilinaw rin ng mga recruitment agency na iba ang inaalok na trabaho ng mga illegal recruiter.

Todo tanggi naman ang mga suspek sa mga paratang. Kakasuhan sila ng syndicated estafa at illegal recruitment.

Paalala ng NBI sa mga nais magtrabaho abroad, siguruhing lisensiyado sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ahensiya.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.