2 suspek sa pagpatay sa radio broadcaster, arestado na

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 10:43 AM

Papunta sa pinapasukang radio station ang biktima nang pagbabarilin ng armadong lalaki. Larawan mula kay Roy Ortega

Hawak na ng awtoridad ang dalawang persons of interest sa kasong pagpatay sa radio broadcaster na si Dindo Generoso sa Dumaguete.

Ayon sa pulisya, isa sa naaresto ay dating pulis na siya umanong nagmaneho ng motorsiklo na sinakyan ng gunman na pumatay kay Generoso.

[EMBED
Radio broadcaster patay sa pamamaril sa Dumaguete City
https://news.abs-cbn.com/news/11/07/19/radio-broadcaster-patay-sa-pamamaril-sa-dumaguete-city

Ang isa pang naaresto ng pulisya ay ang driver ng pick-up kung saan naman nakitang bumaba ang gunman bago sumakay sa motorsiklo.

Nahagip din ng CCTV ang naturang pick-up na sumusunod sa riding-in-tandem.

Sinusuri na ngayon ng pulisya ang mga nakalap nilang ebidensiya at inihahanda na rin ang kasong isasampa laban sa mga naaresto.

Patuloy namang hinahanap ng pulis ang gunman.

Huwebes ng umaga nang tambangan sa Barangay Piapi si Generoso habang sakay ng kaniyang kotse papunta sa pinapasukang radio station.

Si Generoso ay broadcaster sa programang dyEM ng 96.7 Bai Radio. Nagtamo siya ng apat na tama ng bala sa katawan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.