Pagbabawal sa pamamalo ng bata, balak isabatas

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 10:05 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hati ang pananaw ng ilang guro at magulang ukol sa panukalang batas na layong ipagbawal ang umano'y pisikal na parusa at pamamahiya sa mga bata.

Sa ilalim ng House Bill 8239, ipinagbabawal ang marahas na pagdisiplina o pagpapahiya ng mga matatanda sa mga bata.

Unang umalma ang punongguro na si Zaida Padullo, ngunit nag-iba ang kaniyang pananaw sa disiplina nang mamatay ang isang estudyante nang paluin umano ito ng kaniyang ina.

“Never again for as long as I am an educator will a student die in my watch,” sabi ni Padullo, na pinuno na ng grupong Positive Discipline Advocates of the Philippines.

Pero ayon sa Alliance of Concerned Teachers, maaari itong abusuhin ng mga magulang laban sa kanilang hanay dahil maaaring iba ang pananaw ng ilang estudyante ukol sa umano’y pagpapahiya ng mga guro sa kanila.

“Halimbawa, ako nagtuturo, 'yung bata gusto kong mag-recite, at hindi siya nakasagot. Puwede niyang sabihin na nilabag ko ang kanyang karapatan dahil napahiya siya. Dahil ba doon kakasuhan na 'ko ng child abuse? ” Ani ACT secretary-general Raymond Basilio.

Naniniwala naman ang lolang si Malou Cuadling na malayo ang mararating ng pisikal na disiplina, tulad ng minsanang pamamalo sa mga bata, kahit hindi niya ito ginagawa sa kaniyang mga apo.

"Iba na ngayon ang mga bata matitigas ang ulo, di tulad dati na may konting palo, madidisiplina mo,” aniya.

Ayon sa pag-aaral ng Save the Children foundation, nakasasama ang pisikal na parusa sa mga bata, at maaaring magdulot ng mga epekto tulad ng:

  • Hindi pagsabi ng saloobin sa mga tao, partikular na sa magulang;
  • Hindi magandang relasyon sa mga magulang, pag-inom ng alak o paggamit ng droga, pagkakaroon ng eating disorder, at iba pang problemang sikolohikal;
  • Mababang grado sa eskwelahan dahil ramdam ng bata na hindi ito magaling o matalino.

Aprubado na sa Senado ang panukala habang paplantsahin pa ang bersiyon nito sa Kamara, na nasa ikatlong pagbasa na.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.