NDFP consultant huli sa mga baril; armas hinalang 'tanim' lang

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 10:25 PM

Arestado ang consultant sa peace talks mula sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Vic Ladlad, kabilang ang dalawang iba pa sa Quezon City dahil sa umano'y pagtatago ng ilegal na armas.

Kinukuwestiyon ito ngayon sa hinalang itinanim lang ang mga nakuhang armas nitong Huwebes.

Sa eksklusibong video na nakuha ng ABS-CBN News, alas-12:43 ng madaling araw ng Huwebes makikita ang pagdating ng mahabang convoy ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa isang bahay sa Barangay San Bartolome sa Novaliches.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ang bahay at tumambad umano ang iba't ibang uri ng matataas na kalibre ng baril, mga bala at apat na granada.

Kinumpiska rin ang ilang electronic equipment at mga hinihinalang subersibong dokumento.

Arestado rin sina Alberto at Virginia Villamor, na mag-asawang nagrerenta sa nasabing bahay.

Unang hinarang ng asawa ni Ladlad na si Fides at kanyang mga kasama ang police mobile kung saan nakasakay ang kanyang mister na may emphysema, na malubhang karamdaman sa baga.

Pero kalauna'y pumayag rin silang sumunod na lang sa Camp Karingal sa Quezon City kung saan idedetene sina Ladlad.

Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng impormasyon na nag-iingat ng mga armas ang mga nakatira sa bahay kaya nagkasa ng operasyon at iginiit nila na roon lang nila nalaman na si Ladlad pala ang kanilang subject.

EBIDENSYA PINAGHIHINALAANG 'TANIM' LANG

Ani Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, malinaw umano na ang pag-aresto rito ay para gipitin at agad na ikulong ang mga progresibong lider sa pamamagitan ng mga "gawa-gawa" lang na kaso.

Pero ayon kay Communist Party of the Philippines founder Jose Maria Sison, protektado ng joint agreement on safety and immunity guarantees si Ladlad at hindi maaaring arestuhin.

Iginiit naman ni Fides na planted umano ang mga ebidensiya.

Dagdag niya pa, nagtago lang si Ladlad nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto sa asawa nang makansela ang peace talks.

"Ang challenge ko ngayon kay (PNP) General (Oscar) Albayalde, and it happens to be his birthday right now, I want each and every gun fingerprinted. Wala silang makikitang ni isang tuldok ng fingerprint nila Vic, kasi lahat yun planted," aniya.

Pero ayon kay Albayalde, patunay lang ito na armado maging ang mga consultant lang ng NDFP.

"This goes to show na even yung mga consultant or heads na they are armed. At hindi lang po ito basta basta armas. AK47, M16, high powered lahat ito. Ito yung sinasabi na seemingly naghe-head lang sila ng civic organizations, pero at the back they are armed," ani Albayalde.

Nilinaw din ni National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar na ipinatawag nila ang mga opisyal ng barangay at village para masigurong naisagawa nang maayos ang search operations

Sumalang na sa booking procedure ang mga suspek na umano'y lumabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

-- May ulat ni Jerome Lantin at Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.