Sa mga nasalanta ng ‘Yolanda,’ pabahay pahirapan pa rin

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 01:16 AM

Mula nang manalasa sa Visayas ang bagyong "Yolanda" noong 2013, wala pa sa kalahati ng mga bahay na kailangang itayo ang naipagawa ng nakaraan at kasalukuyang gobyerno. 

Sa datos ng National Housing Authority (NHA), nasa 78,000 pa lamang ang naipatatayo sa mahigit 200,000 bahay na kailangang itayo, at nasa 26,000 pa lang ang nalipatan.

Bagamat sa parehong datos ng NHA ay may mahigit 54,000 na bahay na ang puwedeng lipatan, wala namang gustong lumipat sa mga pabahay na substandard umano.

"May mga materyales na ginagamit ay kulang sa timpla ang semento, iyong bakal mas maliit kaysa dapat, at iyong pundasyon mababaw,” ayon kay Danny Caranza, national coordinator ng Katarungan.

Pero bukod sa gusali, problema rin ng NHA ang pagtatayuan ng bahay at pag-aari ng lupa. 

Pinangangambahan din ngayon na lalong hindi na mapapansin ang mga biktima ng Yolanda dahil tila nakatuon ang atensiyon ng gobyerno sa rehabilitasyon ng Marawi.

"Walang budget for Yolanda rehabilitation this year. Silipin natin iyong people’s budget for 2018,” ani Attorney Aaron Pedrosa, secretary general ng Sanlakas.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.