PANOORIN: Multicab, tinangay ng baha sa Iligan

PJ Dela Peña, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 01:39 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Kuha ni Dencio Dayanan

ILIGAN CITY - Sa kuhang video ni Dencio Dayanan, makikita ang malakas na pagraragasa ng tubig baha sa Barangay Del Carmen, Iligan City Martes ng hapon.

Ang dati nilang daan ay naging mistulang ilog dahil sa tubig baha.

May mga residente din na lumusong sa tubig na umaabot hanggang tuhod.

Ang isang lalaki inilipat sa mas mataas na lugar ang naka-park na motorsiklo.

Meron ding mga babaeng estudyante na nakasakay sa nakaparadang multicab.

Lumabas sila at nakisilong sa isang bahay matapos pagsabihan ng mga tao na lumipat.

Ilang segundo matapos makalipat, tinangay ng malakas na agos ng tubig baha ang multicab.

Ayon kay Dayanan, tumigil din ang ulan at unti-unti ring bumaba ang tubig baha.

Narekober din ang natangay na multicab. Laking pasalamat ng mga residente na walang nasaktan.

Ang tubig baha sa Barangay Del Carmen ay galing sa ginagawang diversion road malapit sa lugar. 

Ayon kay Chico Tumampil ng Communication Center sa Iligan City Disaster Risk Reduction and Management Office, apektado ang Barangay Del Carmen at Bagong Silang sa pagbaha.

Ang Mindanao ay apektado ng intertropical convergence zone.

Nagbigay din ng thunderstorm advisory ang PAGASA kaninang Martes ng gabi hang tuloy ang pagbabantay ng ICDRRMO sa sitwasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.