Nanindigan ang Malacañang Press Corps (MPC), isang samahan ng mga mamamahayag na nag-uulat tungkol sa Palasyo, sa kanilang karapatan sa malayang pamamahayag.
Ito'y sa kabila ng pagnanais ni Communications Assistant Secretary Mocha Uson na linawin ang pagiging kasapi ng online news site na Rappler sa MPC.
Sa isang sulat para kay Communications Secretary Martin Andanar, sinabi ni Uson na walang sangay na diyaryo o broadcast ang Rappler.
Kaya dapat umanong ituring ang Rappler bilang "social media entity" na kinakailangang magpa-accredit sa opisina ni Uson.
Iginiit ng MPC na ang grupo nila ay isang "independent" o malayang samahan na hindi saklaw ng Presidential Communications Operations Office, na kinabibilangan nina Andanar at Uson.
Sinabi rin ng MPC na tutol ito sa mga pagbabanta laban sa malayang pamamahayag.
Ayon naman sa Rappler, paglabag sa Konstitusyon, na nagbibigay ng garantiya sa malayang pamamahayag, ang hiling ni Uson kay Andanar.
Nilinaw din ng Rappler na isa itong pribadong media company.
Dagdag ng Rappler, pawang mga indibidwal lang ang maaaring humingi ng accreditation sa PCOO. Hindi umano kabilang dito ang mga news organization.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, balita, Mocha Uson, Rappler, PCOO, Presidential Communications Operations Office, Martin Andanar, Malacañang Press Corps, freedom of the press, Rappler