Isa pang senior citizen at retiradong overseas Filipino worker (OFW) ang natangayan din umano ng mahigit P5 milyon ng budol-budol gang.
Masama ang loob ng 71 anyos na si alyas "Antonio" matapos matangayan ng perang inipon niya nang halos apat na dekada sa pamamagitan ng pagiging helicopter mechanic sa ibang bansa.
"Isipin mo, nagtiyaga ka sa overseas para makaipon, pagkatapos sila, isang iglap lang nawala 'yong pera mo. Mga demonyo sila!" anang biktima.
Kapareho ng grupo na nambiktima sa kaniya ang grupo ng tumangay din ng P4 milyon ng isa pang OFW sa Laguna. Nakumpirma niya ito matapos makakuha ng mga screen grab mula sa CCTV ng biktimang OFW.
Kuwento ni Antonio, nakumbinsi siyang kumuha ng limang kahon ng additives para ma-convert ang used oil sa virgin coconut oil dahil kikita siya ng P1,000 sa bawat piraso.
Nagbigay siya ng P200,000 cash at nagdeposito siya ng P4.9 milyon sa account ng isang Cherie Ferrer Barbara.
Ayon sa kaniya, kasama si Barbara sa mga nakaharap niya.
Pinangakuan aniya siya na kukuha ang grupo ng 300 kahon kada buwan kapag natuloy ang kanilang transaksiyon kaya siguradong may kikitain siya.
Pero harina lang pala ang laman ng kahon nang buksan niya ito.
Sumulat na ang Parañaque police sa pamunuan ng bangko para makakuha ng impormasyon tungkol kay Barbara.
Hiling ni Antonio, makipagtulungan sana sa kanila ang bangko para hindi na makapanlokong muli ang mga suspek.
Target ang mga retiradong OFW
Halos parehong modus din ang ginamit ng grupong nambiktima kay Leonardo Austria kung saan inalok din siyang bumili ng kahon-kahong produkto na kalauna'y nadiskubre nilang harina lang pala ang laman.
Sa rogues gallery ng pulisya, kinilala ni Austria ang nagpakilalang importer na si Vince, ang Hapon na si David Naraynan, at asawa umano ni Luis De Guia na si Maritess De Guia.
Umaapela rin si Austria sa bangko na mabigyan siya ng kopya ng CCTV at retrato ni Winifredo Angeles Adriano na nagwithdraw ng mahigit P8 milyong pisong naideposito niya.
Pinaalalahanan naman ng Philippine National Police ang publiko lalo na ang mga senior citizen at OFW na target ng budol-budol gang.
"Bago kayo magbitiw ng gano'n kalaking halaga, imbestigahan niyo muna, bakit, ano ba'ng business nito, ano ba'ng pagkatao nito?" ani Senior Supt. William Segun ng Cavite Provincial Police Office.
Mas mabuti rin anila na gawin ang transaksiyon sa loob mismo ng bangko.
Makatutulong din na hingan ng government identification card at kuhanan ng retrato ang mga katransaksiyon at mga gamit nilang sasakyan.
-- Ulat nina Dominic Almelor at Oman Bañez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV Patrol, Dominic Almelor, modus, krimen, budol-budol gang, balita, Tagalog news, PatrolPH, OFW, overseas Filipino worker