Barbero arestado sa pagnanakaw ng baterya ng traysikel

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 09:00 PM

Arestado ang isang barbero dahil sa pagnanakaw ng baterya ng isang traysikel sa Los Baños, Laguna Lunes ng madaling araw.

Nahuli sa akto si Alberto del Mundo, 42, na ninanakaw ang baterya ng traysikel ng kaniyang kababatang si Valente Calica, residente ng Barangay San Antonio sa Los Baños.

Ayon kay Del Mundo, ibabalik din umano niya ang baterya matapos gamitin.

"Gawa nang walang ilaw sa bahay. Eh naano ko lang kasi bumili ako ng poster na bago. Eh gusto ko lang makita 'yung design nung poster sa kuwarto... Ibabalik ko rin eh, gusto ko lang makabitan ng bumbilya ba," aniya.

Nakumpiska rin kay Del Mundo ang maliit na paper bag na nakabalot sa tissue na naglalaman ng hinihinilang shabu.

Batay sa record ng pulisya, nakulong na si Del Mundo taong 2014 dahil sa pagkakasangkot din sa ilegal na droga.

Itinanggi naman ni Del Mundo na pagmamay-ari niya ang nakumpiskang shabu.

Nasampahan na ng mga kasong pagnanakaw at pag-iingat ng ilegal na droga si Del Mundo, na pansamantalang nakapiit sa Los Baños Municipal Jail.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.