Babae, inakusahang nangikil sa misis ng umano'y karelasyon

Clarabelle Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 10:47 AM

DAVAO CITY - Arestado ang isang babae matapos siyang ireklamo ng pangingikil kapalit ng hindi niya pang-iistorbo ng relasyon ng isang mag-asawa sa Davao City.

Kinilala ang suspek na si Charlene Ramiro, 21-anyos, residente ng Samal Island.

Ayon kay SPO1 Rizalito Clapiz III ng San Pedro Police Station, humihingi umano ng pera si Ramiro sa misis ng kanyang karelasyon kapalit ng hindi niya pang-iistorbo sa relasyon ng mag-asawa.

Humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at ikinasa ang entrapment operation kung saan nagkita ang dalawa sa Bajada.

Mismong ang biktima ang nagbigay ng P10,000 kay Ramiro.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa suspek, inamin niya na humihingi siya ng pera pero itinanggi niya na may relasyon sila ng mister nito.

"Humingi lang talaga ako ng pera dahil walang-wala na ako. Pero hindi totoo na may relasyon kami. Sinusuportahan lang niya ako dahil wala na akong mga magulang," aniya.

Humingi ng tawad si Ramiro sa biktima pero sasampahan pa rin siya ng kasong extortion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.