Ahenteng nagbenta umano ng pekeng titulo ng lupa at bahay, arestado

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 05:59 AM

Arestado ng Manila Police ang isang babaeng nagbenta umano ng pekeng titulo ng lupa at bahay sa Santa Maria, Bulacan.

Kinilala ang suspek na si Anamarie Mabayo, alyas Jessica.

Ayon sa complainant na si Fernando Vergel, natangay ng suspek ang P4.5 million sa kanya.

Nitong Hulyo umano lumapit sa kanya si Mabayo, kasama ang isang babaeng nagpakilalang Isabel Gojo Cruz.

Ibinenta kay Vergel ang isang 4-storey house and lot.

Noong Hulyo, humingi ng paunang bayad si Mabayo na P100,000. Sunud-sunod na umano ang naging transaksyon. 

Noong Agosto, nagbigay daw si Vergel ng P1.2 million hanggang sa mabuo ang bayad nitong Setyembre.

Nakapagpagawa na daw sila ng deed of sale kaya inakala ni Vergel na lehitimo ang transaksyon.

Nang ibebenta na ni Vergel ang property, napag-alaman niya na peke ang mga dokumento at I.D. ng ahente at ng nagpakilalang may-ari ng bahay.

Todo tanggi naman ang suspek sa mga alegasyon laban sa kanya.

Wala umano siyang natanggap na anumang pera. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.