3 rebelde patay sa bakbakan sa Capiz

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 06:33 PM

CUARTERO, Capiz – Tatlong kasapi umano ng New People’s Army (NPA) ang nasawi nang makabakbakan ng puwersa ng militar Martes ng hapon dito.

Nakilala ang mga rebelde na sina Val Diaz, lider umano ng grupo, Bong Lerona at isang Ka Remy. 

Naka-engkuwentro ng 'di pa mabatid na bilang ng mga rebelde mula umano sa Eastern Front ng Komiteng Rehiyon Panay ng NPA sa Sitio Tigpaka Daku, Barangay San Antonio ang composite platoon ng 61st Infantry Battalion ng Philippine Army.

Agad na nagsilikas ang mga residente sa lugar matapos makarinig ng sunod-sunod na putukan ng baril. Isang kilometro lamang ang layo ng encounter site sa mismong sitio proper.

Narekober din ng awtoridad ang isang AK-47 automatic rifle, isang granada at mga bala sa pinangyarihan ng insidente.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng security patrol sa lugar ang mga sundalo nang makatanggap ng impormasyon na may nakitang mga armadong rebelde sa naturang barangay.

Tumagal ng halos isang oras ang unang sagupaan kung saan nalagasan ng dalawang kasapi ang NPA. Nagtuloy-tuloy ang bakbakan hanggang kinaumagahan na ikinasawi ng isa pang rebelde.

Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa tropa ng pamahalaan.

May ilang residente ng barangay ang nauna nang nakakita sa mga rebelde pero hindi umano sila nag-report sa awtoridad dahil sa takot.

Maging ang dating konsehal ng bayan na si Abner Falcis na mula sa naturang barangay ay nagsabing minsan na niyang nakilala si Diaz noong panahon ng kampanya. Sabi niya, may tatlong dekada na umano itong kasapi ng NPA.